Wednesday, July 29, 2015

Upuan sa Karama

Upuan sa Karama, bigla kong napansin sa aming pagdaan
Naengganyo kaming umupo upang pansamantala’y may masandalan
Dahil pagod man sa paglakad sa mahabang kalye ng Karama,
Mga puso naman ay maligaya pagka’t kami ay magkasama.
 
Upuan sa Karama, saksi sa mga hagalpak at tawa mo
Kilig na nararanasan ko sa mga haplos at yakap mo
Ragasa ng mga tao at sasakyan ay di natin alintana
Pagkat mga mata lang natin ang nag-uusap at nagtatama.
 
Upuan sa Karama, ilang gabi ka din naming kasama
Saksi namin dito ang ningning ng buwan pati ng mga tala
Alikabok mo man ang nagtatago sa lakas na iyong taglay
Ninais kong sa amin ay wag ka na sanang mawalay.

Salamat sa mga ala-ala mong sa puso’t isip ay itinanim
Salamat sa pagmamahal na kay tagal ko ring kinimkim
Salamat sa kalinga mo sa mga panahong pagod datapwat masaya
Salamat sa sandalan mo dahil kami’y nagkasama.

Lumipas ang mga araw, mga linggo’y inabot na ng buwan
Upuan sa Karama, kay tagal kitang hindi nasilayan
Bigla kong hinanap ang sandalang matibay at matatag
Pagkat puso at kaluluwa ko, ngayon ay isang hungkag.

Upuan sa Karama, kasama ko’y nasan naba?
Sya nga ata ay wala na. Wala na nga ba talaga?
Baka sakaling sya’y mapadaan at sayo ay tumambay,
Paki tingnan kung sya ba’y masaya o tulad kong nalulumbay.

Upuan sa Karama, ang nais ko ngayon ay iba na
Tatag at tibay mo ay hindi ko na kailangan pa
Masira ka at anayin, yan ang aking samo’t hiling
Mga bakal mo’y mamaluktot na sana at lubusang kalawangin.

Upuan sa Karama, nawa sa aking pagpunta at pagbisita
Sana ikaw ay wala na dahil ayaw ko ng masaktan pa
Dulot mo sakin ngayon ay bangungot at puro masamang alaala
Pagkat naiisip pa lamang kita ay lubhang napaksakit na.

Upuan sa Karama, umalis kana, alisin kana
Upuan sa Karama, pagmamahal nya’y lipas na
Upuan sa Karama, iniwan nya kong luhaan at umaasa
Upuan sa Karama, sana ay umalis kana, wala ka na.

 

Thursday, August 29, 2013

MOMOL (Move-On Move-On Lang)




Isa sa pinaka masaklap na part ng love story ay yung paghihiwalay. Maraming reasons bakit naghihiwalay ang mga nagmamahalan. Tama, nagmamahalan naman sila kaya lang talagang may mga lovers na hindi destined na magkasama for the rest of their lives. Hindi lahat ng love story ay fairy tale ang ending. Lumang linya na yung “and they lived happily ever after.” Paking syet yang linyang yan! Panahon pa ni kopong-kopong yan. 

Tangnang pag-ibig yan!  Tamaan na sana ng kidlat lahat ng in-lab! (inggiterang bitter lang ang peg!)

Moving on? Yan naman ang pinaka mahirap na challenge para sa taong nasaktan ng bonggang bongga. Kapag na broken hearted ang isang tao, kulay itim ang lahat ng nakikita nya. Lahat ng malulungkot na kanta feeling nya para sa kanya. Feeling nya lahat ng sad quotes na nababasa nya, patama sa kanya. Feeling nya pasan nya ang buong mundo. Feeling nya, namatayan sya o kaya naman mamamatay na sya. Feeling nya di sya makakain at makatulog. Feeling nya gusto nyang magwala at maghamon ng suntukan o ng patayan. Feeling nya matapang na matapang sya. Tama! Ang mga broken hearted ay mga taong feelingero’t feelingera at mga taong OA! 

Pero, pano nga ba mag move on?

Dalawang salita lamang. Pero napakahirap isipin at gawin kung paano ka magmo-move-on. Pag nag move-on ka kasi, iiwan mo lahat ng bagay na nakasanayan mo. Kakalimutan mo ang masasayang alaala at kung maari ay kakalimutan mo yung taong nagpasaya sayo, nagmahal sayo, nagpakilig pati sa mag ingrones at atoms ng katawan mo. Yung taong kapag kasama mo feeling mo ang ganda-ganda o ang gwapo-gwapo mo, ang gaan-gaan ng feeling mo, nagpapakanta sayo ng mga love songs at nagpapakilig sayo sa mga love quotes at feeling mo pag nakakabasa ka eh para sayo din lahat. (So, feelingero’t feelingera din pala ang mga in-love? Hmmm…..)  Meaning to say, buburahin mo ang lahat-lahat na related sa kanya.

Kaya mo ba? OO naman! Lakas lang ng loob at tibay lang ng sikmura ang kelangan.

Eto ang mga pwede mong gawin para mas mapadali ang pagmo-move-on mo. Ginawa ko tong mga to, so feelingera akong effective sya.

  • Makinig ka ng mga love songs – Tama! Pakinggan mo lahat ng kantang nakaka relate ka. Sa umpisa masasaktan ka pero eventually, magiging matigas ang damdamin mo kapag paulit-ulit mo ng naririnig yung mga songs. Hanggang sa kakaulit mo sa pakikinig, di mo namamalayan na di kana affected kapag naririnig mo yung songs. Parang balewala nalang. Kasi immune kana, manhid na yung pakiramdam mo. Masasawa ka din at baka nga mainis ka na at hindi mo na pakinggan ang mga pesteng love songs na yan.  Kumbaga, eto ang Anesthesia mo.

  • Basahin mo ulet yung mga text messages, fb messages, chat at lahat ng convo nyo – Eto, masakit din gawin to. Kasi, muli mong mababasa kung gaano sya ka-sweet sayo dati. Eksakli! Dati pa yun! Kaya wag kana umasa na magiging sweet ulet sya sayo at wag kana umasa na babalikan kapa nya. Isipin mo nalang, yung sweetness nya sayo dati ay sa iba na nya ginagawa ngayon. Mas masakit pa to sa sugat na pinatakan ng lemon at binudburan ng asin. Oh di ba? Ang saya-saya noh? !

  • I-stalk mo ang FB/Twitter/IG etc account nya – Kung iniisip mong i-delete sya sa FB/Twitter/IG, naku! Wag na wag mong gagawin kasi dun ka na lang makakasagap ng tsismis about sa kanya. Check mo from time to time yung account nya. Kung ano status updates nya, yung mga comments nya sa mga posts ng iba. Dun mo kasi malalaman kung masaya ba sya sa paghihiwalay nyo at por pabor, wag kana ulet umasa na affected sya sa paghihiwalay nyo. Kasi masasaktan kalang pag nakita mong halos ikaw ay maloka-loka kakaissip sa kanya sya naman pala ay ang saya-saya makipagkulitan sa iba. Kaya mo lang naman ii-stalk ang mga accounts nya para lang ipamukha sa sarili mo na mas masaya sya kasi wala ka na sa piling nya. Awts!!! 
  •  Paulit-ulit mong tignan ang mga picture nya – Gagawin mo to hindi para lalong hindi mo sya makalimutan. Magninilay-nilay kana dito. Tanungin mo ang sarili mo: “Ano nga ba ang nagustuhan ko sa taong to?” “Maganda ba sya?” “Maputi ba sya?” “Makinis ba sya?” “Maganda ba mata, ilong at lips nya?” “Sexy ba sya?” I-convince mo ang sarili mo na walang maganda sa kanya! Hahahaha! Ikaw na mismo ang humanap ng bagay na makakapag pa-turn-off sayo. Aminin man natin at hindi, malaking factor sa ibang tao ang physical appearance. Magpaka-totoo ka sister/bro!
  • Manood ka ng mga love story movies – Yan! I-relate much mo yung sarili mo sa kasalukuyang sitwasyon mo sa mga love story movies. At syempre, magkaiba ang ending ng story mo at ng mga love story na papanoodin mo. Eh di masasaktan ka nanaman? Yun nga purpose eh, lalo mo pang saktan ang sarili mo. Matuto tayong tanggapin na di lahat ng love story ay happy ending. Hindi lahat ng love story ay kagaya ng kay Popoy at Basya. Perfect example yung sitwasyon mo ngayon. Kaya wag tayo maniniwala sa fairy tales. Kasi bibihira na ang love story na may fairy tale ending. At saka di na tayo bata para maniwala pa dun. Duh!

Siguro iisipin mo na sobrang bitter kong tao sa mga suggestions ko. Oo bitter na kung bitter! Lahat nga nung suggestions ko ginawa ko talaga. Pramis! Napansin ko kasi, the more na hinaharap mo yung bitterness, yung pain, the more na nakakayanan mong harapin ang lahat. You have to face your fears ika nga nila. Yung sakit kasi na nararamdaman ko, yun yung nagtutulak sakin na kelangan kong mag move-on. Ayaw kong magmukhang matanda kakasimangot. Ayaw kong palaging masakit ang ulo ko kasi di ako makatulog sa gabi kakaisip. Ayaw kong pumanget ako at magkaron ng wrinkles at tawaging “simang” ng mga tao sa paligid ko. 

Pero magugulat kana lang na di mo na ginagawa lahat ng mga bagay na nasabi ko kasi marerealized mo na ayaw mong maging tanga at kaawa-awa.Sasabihin mo "nakakasawa din pala". At maiisip mo na marami ka pang makikilalang tao. Maraming pang darating na tao. Marami pang reasons para mag-smile at maging happy ulet. Remember: Yung taong nanakit sayo eh wala naman simula nung pinanganak ka. Nabuhay ka ng wala sya for how many years. So, kakayanin mo pa ding mabuhay ngayong wala na sya.

Mauulit at mauulit na masasaktan tayo. Eh di gawin ulet natin yung mga suggestions ko. Hindi ko masasabing ayaw ko na ma-inlab kasi napakasarap magmahal at mahalin in return. Temporary decision lang naman yung pa-ayaw-ayaw nating magmahal. Kunwari suko na! Fed-up na! Pagod na! Pero pag may nagpatibok nanaman sa puso mo, kekerengkeng ka nanaman. Pag may nagustuhan ka nanaman or may magkagusto nanaman sayo, namimilipit ka nanaman sa kilig na para bang teenager ka nanaman ulet. At matatawa kana lang sa sarili mo kasi maiisip mo na sabi mo ayaw mo na ma-inlab pero heto ka nanaman, taking the risk and taking the chance of being in-love and being loved again. 

Pero wag nating kakalimutan na “We MUST learn from our mistakes. Charge it to experience. And never regret whatever happened in the past." At isipin mong hindi mo kawalan ang pagkawala nya sa buhay mo. Positive vibes lang din pag may time!

At wag nating isara ang puso natin sa pupwedeng mangyari sa hinaharap.Masarap ang magmahal!




Sunday, November 13, 2011

PS! PS! I Love You!

Nung nakaraang Huwebes, masyado akong dinala ng aking isip sa isang malalim na pagbabalik tanaw sa aking nakaraan... Sa aking kabataan....

Meron akong crush nung elementarya pa lamang ako. At take note ha, lalake sya, hehehe! Alala ko yung kalaro kong si MARK, na itinuturing kong childhood sweetheart ko. Madalas kasa-kasama ko sya sa mga laro noon, sa pagtambay sa mga nakaparadang jeep o tricycle sa lansangan habang nakikipag-kwentuhan ako sa kanya ng mga usapang pang-bata. Tinutukso na nga kami nung mga matatandang tsismosang mga kapit-bahay namin na baka daw kaming dalawa ang magkatuluyan kasi nga palagi kaming dalawa ang magkasama. Na ikinatutuwa ko naman, kasi nga kras ko sta. Pati pagpasok sa school, kasabay ko sya pati sa pag-uwi na minsan ay binibitbit pa nya ang bag ko kasi masyadong mabigat ang bag ko noon.

Madalas kasama ko sya at kakampi sa larong patintero, syato, luksong kalabaw na talaga namang pagalingan sa pagtalon na kahit na halos nakatayo na yung taya ay kelangan mo pa din naming makalukso at makatawid sa ulo nyang nakayuko. Kakampi ko din sya sa football, na kelangan kong sipain ang bola ng ubod ng lakas upang maisalba at mabuhay ko ang mga kakampi kong namatay na dahil nabato sila ng bola habang pilit na binibilisan ang takbo pabalik sa home base.

Pati sa larong kalog tansan, tatsing ng tansan o mga tau-tauhan, yoyo, holen, teks, sungka, piko, ang sikat na sikat na ten-twenty, chinese garter na ang ginagamit naman namin ay goma na tinirintas at kung ano-ano pang mga laro na pambata. At isa pa sa mga paborito kong laro ay yung tumbang-preso kung saan titirahin mo ng tsinelas ang latang nakatayo sa bilog na igihunit gamit ang chalk o kaya uling o kaya naman yung kulay orange na piraso ng paso na galing pa sa nabasag na paso ng nanay mo o kapit-bahay mo.

Palaging kasama ko si Mark at kadalasan ay kakampi ko pa sya.

Meron isang laro na hindi na pwede ang kampihan kasi kelangan may taya na hahabol sa lahat ng kasali upang mahawakan ito. At kapag nahawakan mo yung kalaro mo, sasabihan sya ng taya ng "PS". Ibig sabihin di sya pwedeng gumalaw hanggat di sya nahahawakan ng ibang kasali sa laro at nasasabihan ng "I
LOVE YOU".

"PS, PS, I love you. Mahal mo ba si Gabby, yes or no. Y-E-S (kapag yes ang sagot) or N-O (kapag no ang sagot), ales!" Eto ang popular na lyrics ng larong ito habang tinuturo-turo isa-isa paikot ang lahat ng kasali sa laro. Kapag natapat sayo ang hintuturo ng lider-lideran at ang salitang "ales!", ibig sabihin alis kana sa nakabilog na mga kasali sa laro at ligtas ka sa pagiging taya. Masayang laruin kapag madami kayo at hindi pwedeng laruin ng dalawa lamang kayo, hehehe! Pero, parang pwede din kung dalawa lang kayo. Kapag nahawakan ka ng taya at nasabihan ng PS, automatic na taya kana at ikaw naman ang hahabol sa kanya. Yun nga lang, wala ng tsansa na masabihan kapa ng I Love you kasi nga dalawa lang kayo. Korni to kapag ang kalaro mo ay kras mo kasi di ka naman nya masasabihan ng I Love You, puro PS lang.,

Nung mga panahon na naglalaro kami nila Mark nito, natutuwa ako kapag na-p-PS sya kasi mamadaliin ko ang pagtakbo para ako ang maka-I Love You sa kanya. Kapag nakita kong di na sya nagalaw, minamadali ko ang pagtakbo ko kahit na halos magkandarapa pako, para makarating agad sa kanya at ma-tap ko sya sabay banggit ng I Love You, with matching smile pa yun. O kaya naman, masayang-masaya nako nun kapag ako ang na-PS at sya ang mag-a-I Love You sakin. Naiinis pa nga ako kapag yung kalaro naming si Junior o kaya si Bong-bong ang nag-I Love You sakin. Parang gusto ko ulet ma-PS ako nung taya at si Mark ang mag-I Love you sakin.  O kaya naman gagalaw nalang ako para maging taya kesa naman mag-I Love You sakin si Junior o si Bong-bong.

Pero bakit nung mga panahon na yun, di ako natutuwa kapag babae ang nag-I Love You sakin??? Tapos nakakatawa pa nga, kasi nagkakagulo ang mga babae kong kalaro at nag-uunahan pa kapag ang na-PS ay yung mga kalaro kong lalake. Siguro kung simula pagkabata hanggang sa ngayon ay pwede pa ding laruin ang larong yan, baka sakaling straight ako ngayon. Pero hindi din siguro, kasi nga nung bata palang ako attracted nako sa mga babae kong kalaro, yun nga lang meron nga akong kras, si Mark nga.

Kung ngayon ako makikipaglaro nyan, mas kikiligin ako kapag babae ang nag-I Love You sakin, hehehe! Natatawa nalang ako kapag naiisip ko yung mga masasayang alaala ng aking kabataan. Minsan naiisip ko pa din yung mga kalaro ko kung nasan na sila. Napapangiti na nga lang ako kapag naalala ko ang larong PS! PS! I Love You! Di ko man lang naisip na ngayon mas masaya akong mag-I Love You sa kapwa ko babae. :)