Tuesday, March 22, 2011

Untitled

Wow! Ang tagal kong tahimik ah! Hehehe! Masyadong kinain ng trabaho ang oras ko kaya di nako nakapag-sulat ulet. Etong bagong post ko, bagong karanasan nanaman sakin.

Last week, habang papasok ako, naisip ko yung mga kaibigan ko. Kasi, yung iba alam na nilang lesbiana ako. Kamakailan lang, nalaman na nila. Hindi naman hayagan ang pag-amin ko, basta umabot sa puntong kelangan na. Hindi pa naman ako inuulan ng tanong, pero tinatawagan ako ng mga malalapit kong kaibigan nung mga oras na yun. Hanggang sa matapos ata ang araw na yun, tina-try nilang kontakin ako. Di ako nasagot sa tawag o text. Di ko din kasi alam kung anong isasagot ko sa sandaling ratratin nila ako ng tanong. Gusto kong manahimik nalang muna. 

Yun nga, naisip ko yung mga kaibigan ko. Ngayon ko kasi masusukat kung talagang kaya nila akong tanggapin sa kabila ng pagiging lesbiana ko. Napaisip ako ng malalim. Hindi ko alam kung sa sandaling magkaharap-harap kami ay anong sasabihin ko sa kanila. Di ko naman talaga gustong itago ang pagkatao ko sa kanila. Pero sa ilang taon na kaibigan ko sila, nakiramdam ako kung ano tingin nila sa mga gaya ko. Tintignan ko ang reaksyon nila at mga sinasabi nila kapag me nakikita, nakaksalamuha o nababalitaan silang me koneksyon sa katomboyan

Isa sa mga naisip ko na dahilan kung bakit hindi ko masabi sa kanila ay yung "rejection". Tama! Kasi natatakot akong mawalan ng kaibigan pag nalaman nilang ganito ako. Natatakot akong libakin nila at layuan o iwasan. Natatakot akong pag-tsismisan nila ang pinili kong buhay. Natatakot akong marinig ang salitang "yuck" sa sandaling malaman nilang meron akong girlfriend. 

Madami akong kinatatakutan kaya siguro ilan lang sa mga kaibigan ko ang talagang nakakaalam kung ano ba talaga ang pagkatao ko. Hindi ko alam kung tama bang matakot ako o pabayaan ko nalang sila sa mga gusto nilang isipin tungkol sakin. Hindi ko alam na tama bang lumantad nako. Nahihirapan na din kasi talaga ako minsan lalo na kapag pumapasok na ang usapin ng pag-aasawa. Alam kong madami silang tanong sakin, na hindi nila maisatinig. Dahil siguro nahihiya sila o natatakot na malaman ang katotohanan. 

Gusto kong maging malaya, maging masaya at maramdaman na tanggap nila ako. Sabi naman ng ibang mga lesbian friends ko, kung talagang kaibigan ko sila matatanggap nila ako. Tumpak! Wala namang pinipiling pagkakataon, lugar, tao o pangyayari ang kaibigan. Kung kaibigan nga sila, kahit ano pa tatanggapin nila ako. Wala naman akong  ginagawang masama. Hindi ako nagbebenta ng droga, nagnanakaw o pumapatay ng tao. 

Kung sana pwede kaming mamuhay ng walang mapanghusgang mga mata na laging nakabantay samin. Walang manlilibak o manlalait samin. Walang simbahan, institusyon o pribado/publikong organisasyon na kumokondena samin. Walang makikitid na taong huhusga sa pagkatao namin. Walang kaibigan o pamilyang tatalikod samin. 

Basta ang masasabi ko lang,... Kaming mga lesbiana ay mga tao din na may puso't damdamin kaya marunong din kaming magmahal... Yun nga lang, sa kapwa namin babae.... Masama ba yun?

PS:
UNTITLED muna ang pamagat, wala pa kasi akong maisip eh. :)