Wednesday, July 29, 2015

Upuan sa Karama

Upuan sa Karama, bigla kong napansin sa aming pagdaan
Naengganyo kaming umupo upang pansamantala’y may masandalan
Dahil pagod man sa paglakad sa mahabang kalye ng Karama,
Mga puso naman ay maligaya pagka’t kami ay magkasama.
 
Upuan sa Karama, saksi sa mga hagalpak at tawa mo
Kilig na nararanasan ko sa mga haplos at yakap mo
Ragasa ng mga tao at sasakyan ay di natin alintana
Pagkat mga mata lang natin ang nag-uusap at nagtatama.
 
Upuan sa Karama, ilang gabi ka din naming kasama
Saksi namin dito ang ningning ng buwan pati ng mga tala
Alikabok mo man ang nagtatago sa lakas na iyong taglay
Ninais kong sa amin ay wag ka na sanang mawalay.

Salamat sa mga ala-ala mong sa puso’t isip ay itinanim
Salamat sa pagmamahal na kay tagal ko ring kinimkim
Salamat sa kalinga mo sa mga panahong pagod datapwat masaya
Salamat sa sandalan mo dahil kami’y nagkasama.

Lumipas ang mga araw, mga linggo’y inabot na ng buwan
Upuan sa Karama, kay tagal kitang hindi nasilayan
Bigla kong hinanap ang sandalang matibay at matatag
Pagkat puso at kaluluwa ko, ngayon ay isang hungkag.

Upuan sa Karama, kasama ko’y nasan naba?
Sya nga ata ay wala na. Wala na nga ba talaga?
Baka sakaling sya’y mapadaan at sayo ay tumambay,
Paki tingnan kung sya ba’y masaya o tulad kong nalulumbay.

Upuan sa Karama, ang nais ko ngayon ay iba na
Tatag at tibay mo ay hindi ko na kailangan pa
Masira ka at anayin, yan ang aking samo’t hiling
Mga bakal mo’y mamaluktot na sana at lubusang kalawangin.

Upuan sa Karama, nawa sa aking pagpunta at pagbisita
Sana ikaw ay wala na dahil ayaw ko ng masaktan pa
Dulot mo sakin ngayon ay bangungot at puro masamang alaala
Pagkat naiisip pa lamang kita ay lubhang napaksakit na.

Upuan sa Karama, umalis kana, alisin kana
Upuan sa Karama, pagmamahal nya’y lipas na
Upuan sa Karama, iniwan nya kong luhaan at umaasa
Upuan sa Karama, sana ay umalis kana, wala ka na.