Tuesday, December 14, 2010

Tingala

Kanina habang nasa CR ako, napatingala ako. Naisip ko na palagi ko palang ginagawa ang pagtingala sa tuwing me problema ako. Hindi ko alam kung anong meron sa kisame o sa langit at bakit tumitingala ako. Habang ginagawa ko ang post na'to, napapatingala pa din ako, hahaha! Madalas kapag nag-iisip ako, mas gusto kong tumingin sa kawalan, baka sakaling lumabas ang sagot sa milyon-milyong katanungan na pumuputakti sa aking isipan.

Isa palang dahilan ng pagtingala ko ay ang pagpipigil sa mga luhang nagbabantang tumulo sa aking mga mata. Gaya ngayon, masama ang loob ko sa mga bagay-bagay, magulo ang isip ko. Gusto kong umiyak at ilabas lahat ng sama ng loob na nasa puso ko. Me mga bagay na gusto ko ng linawin, baka umaasa akong sa pagtitig sa kawalan ay makaapuhap ako ng kasagutan. Kung ang pagtitig sa langit ang magbibigay ng liwanag sa lambong na namamahay sa aking puso't isipan, siguro titingala nalang ako hanggang sa mapawi ang pangambang namamahay sa aking pagkatao. 

Gaya ngayon, kaakibat ng aking mga buntong-hininga ay ang pagtingala ko nanaman. Ano bang meron sa taas? Liwanag? Kasagutan? Pag-ibig? Pera? Babae? Haizzzt..... Mabigat ang loob ko, masakit ang ulo ko, naguguluhan ako, natatakot ako. Mga bagay na nagpapabagabag sa aking damdamin. Siguro magkakaron nako ng stiff-neck kakatingala ngunit di ko maapuhap ang sagot sa mga tanong ko. Ang gulo-gulo ng isip ko, parang etong blog nato. Hindi ko alam kung ano gusto ko ipahiwatig, basta dere-derecho lang ako sa pagtipa sa keyboard ng laptop ko. Hindi ko alam kung ano ang gusto kong tumbukin, ang gusto kong sabihin. Basta gusto kong sumulat at ilabas ang nasa loob ko. Hindi ko din alam ano ang gusto ko iparating sa mga makakabasa nito. Haizzzttt... Ang hirap.

Isa sa mga rason kung bat ako nagkakaganito ay problema sa pag-ibig. Sana sa bawat pagbuntung-hininga ko, nababawasan ang kaba at takot sa dibdib ko. Sana sa bawat pagtitig ko sa kawalan, unti-unting nababanaag ko ang kasagutan sa mga katanungan sa isip ko. At sana sa bawat pagpipigil ko sa aking mga luha ay nagiging mas matatag akong harapin ang sakit na dulot ng mapaglarong pag-ibig. At sana, sana, sana at marami pang sana...

No comments:

Post a Comment