Saturday, October 30, 2010

No news, Good news

Sa tuwing me mga naiisip akong bagay na nagpapabagabag sa akin o nagpapa-windang sa isip ko, nagkakataon naman na andiyan yung kaibigan kong si Andrei. Sya ang nagsisilbing taga-pakinig ko sa tuwing me mga problema ako, naiinis ako, masaya ako at sa lahat na ata ng emosyon na nararamdaman ko, madalas sa kanya ko nasasabi. Ngayong araw nato, sobrang nag-aalala ako. At syempre andiyan nanaman si kaibigang Andrei.

Eto ang ilang bahagi ng aming usapan:

Like: last text nya 9:49 sa pinas
Like: anong oras na dun 2:20 na
Andrei: haha
Like: ni walang text
Like: anong gusto nyang isipin ko?
Andrei: tapos na check-up nun
Like: kaya nga, pero walang text, walang kusa
Andrei: isipin mo nalang na no news good news
Andrei: para di ka mahirapan masyado
Like: kasi nga di naman ako ganun eh...

Palaging sinasabi sakin ni Andrei yung "no news good news" na yan. Sabi ko nga sa kanya "i don't trust my feelings", eh totoo naman. Iba pa din kasi yung makakarinig ka ng balita galing dun sa taong involve dun sa iniisip mo. Hindi naman pwedeng isipin natin na kapag wala tayong naririnig na balita eh magandang balita nga ang hatid. Kadalasan kasi kaya hindi satin sinasabi ang mga balita, lalo na't di naman kagandahan, eh para hindi daw tayo mag-alala or maabala. Hindi nila minsan naisip na kapag hindi natin nalaman ang totoo, mas lalo tayong nag-aalala at mas lalo tayong naaabala kasi madaming bagay ang apektado. Dahil nasa malalim kang pag-iisip, hindi ka makapag-trabaho ng ayos, hindi ka makapag-isip ng tama, kung ano-anong naiisip mong nangyari, maninikip ang dibdib mo sa sama ng loob, sasakit ang ulo mo kaka-isip at kung ano-ano pang sandamakmak na pahirap at abala ang kaakibat nyan.

Kagaya nung bago palang ako dito sa bansang kinalalagyan ko. Umalis ako sa Pinas na medyo masama na ang kondisyon ni Tatay. Tinira sya ng isa sa mga pinaka-traydor na sakit, stroke. Akshuli, isa sya mga dahilan kung bakit pinili kong mangibang-bansa. Nung mga panahon na palagi akong tumatawag sa bahay para kamustahin si Tatay, pilit itinatago sakin ng mga ate ko ang totoong lagay nya. Palagi nalang nila sinasabi sakin na "ok naman si Tatay, medyo malakas na". Ganun palagi ang sagot nila sakin. Kampante naman ako na ok nga si Tatay kaya hindi ako masyadong nag-iisip. Minsang tumawag ako sa ate ko upang kamustahin ang lagay ni Tatay, sinabi nya sakin ang totoo. Na hindi naman pala talaga ok ang lahat, na mas lalo daw nanghina si Tatay nung umalis ako. Hindi lang daw nila sinabi sakin ang totoo para daw hindi ako mag-alala. Hanggang sa makalipas ang isang linggo, binawian na ng buhay si Tatay.

Ang punto ko lang, mas mainam na kahit ano pa ang balita, masama man o maganda, me karapatan tayong malaman ang lahat, ang katotohanan. Hindi ko naman sinabing mapapanatag ang kalooban at isipan mo kung malaman mong nasa ospital o namatay na ang isang tao o nag-aagaw buhay ang malapit sa puso mo. Mas mainam na ipaalam yung mga seryosong bagay sa mga taong alam mong dapat na makaalam para naman di natin sila binibigyan ng alalahanin. Mas mahirap kasi na iniisip natin na palaging ok ang lahat, na walang masamang nangyari at umaasa tayong maayos ang lahat yun naman pala'y, malala na at huli na.

No comments:

Post a Comment