Tuesday, November 2, 2010

Si Nanay at Tatay at ang All Souls Day

Araw ng mga kaluluwa ngayon at kahapon naman ay araw ng mga santo (o banal). Kung nasa Pinas ako, October 31 palang ay nagtatayo na kami ng tent at kung minsan ay merong naiiwan saming magpipinsan sa sementeryo magdamag upang bantayan ang kandilang sinindihan pati na din ang mga upuan na nakatali sa bawat paa ng tent. Uso kasi ang nakawan kahit saan at lalo na kapag abala ang mga tao sa sementeryo, naglipana din ang mga salisi gang. November 1 naman, meron ng maagang pupunta samin sa sementeryo upang dalhan ng pagkain ang nag-overnight. Tapos ang mga panauhing pan-dangal o yung mga tyahin kong sosyalera, dadating ng after lunch o kaya bandang pahapon na.

Ala-seis (o sais) ng hapon, magtitipon-tipon na kami sa harap ng puntod upang mag-alay ng dasal. Sa pagdarasal ng Santo Rosaryo, nagtuturuan pa kami kung sino ang mamumuno. Maayos naman naming naidaraos ang Araw ng mga Patay. Nagsisilbi na din itong pagtitipon o pagkikita-kita ng mga iba naming kamag-anakan na bumubisita sa mga kamag-anak naming yumao na at kasama na ng Poong Maykapal.

Ang di ko lang maisip, bakit kailangan pang ipagdiwang ang araw na to? Bata palang ako, tanong na yan sa aking isipan. Ngayong pwede nako gumawa ng bata, wala pa ding kasagutan. Dagdag bato sa mga public holidays na kung saan mas nagbebenepisyo ay ang mga empleyado ng gobyerno? Kasi nga naman, mahaba-habang araw na walang pasok at pwedeng pumetiks. Na kung tutuusin naman eh petiks naman talaga ang mga opisyales ng gobyerno kahit di naman holiday.

Sayang, namiss ko ang mga bata kong pinsan at pamangkin na naghahabulan sa sementeryo, sama-samang pagkain namin habang si lola ay masayang nagmamasid sa kanyang mga apo, ang pagbuo namin ng mga kandila na nakakairita na kasi kalat lang naman pag-uwi namin sa bahay, ang pag-babaklas namin ng tent kapag uwian na, ang pag-aaway-away namin ng magulo ngunit masayang pamilya ko (lagi kasing me mga isyu kapag nagkikita-kita kami), ang sama-sama naming pagsakay ng jeep o bus (kapag walang marentahan na maghahatid saming lahat) at marami pang iba.

Pero ano ba ang talagang nami-miss ko pag ganitong araw?

Nami-miss ko ang nanay ko na simula pagkabata ay hindi ko nasilayan, hindi ko naramdaman o matandaan ang init ng kanyang mga bisig habang ako ay karga nya, ang paghehele nya at pagkanta ng lullaby habang pinapatulog nya ko o kahit na anong simpleng pangyayari na dapat ay kasama ang isang ina, hindi ko naranasan yun. Ni hindi ko matandaan ang itsura ni nanay maliban sa mga litrato.

Si tatay? Miss ko din sya. Kahit naba madami kaming di magandang pinag-daanan sa piling ni tatay, nami-miss ko sya. Hindi ko kasi sya napaglingkuran man lang o natulungan o kahit pa na nalasap ang unang katas ng pinaghirapan ko dito sa ibang bansa. Hindi na nya kasi ako naantay. Pero noong mga panahon na kasama ko sya sa Pinas, hindi man ako ganun ka-showy sa kanya tungkol sa aking nararamdaman, alam ko naman sa sarili ko na kahit papano naging mabuting anak ako sa kanya.

Sa nanay at tatay ko, alam nyo kung gaano ko kayo ka-miss. Hindi ko naipakita sa inyo kung gaano ako kabuting anak, hehehe! Pero sana kahit gaano ko kayo ka-miss, wag nyo kong dalawin sa bahay ha! Alam nyo naman kung gaano ako kaduwag sa mga ganyan... :)

2 comments:

  1. we celbrate all saints day in honour of those people who have lived ordinarily in these world but in an extraordinary way... everyone has a purpose and our loved ones which we have lost already probbly had done their purpose already and now have an eternal life with HIM...

    ReplyDelete
  2. YOU MADE ME SMILE.... WERE NOT PINOY KUNG D GANYAN ANG EKSENA...I MISSED MY TATAY TOO.... LUCKY U ARE KASI UD EXPERIENCED HAVIN UR GRANDPARENTS AROUND U... AKO D KO LAM HOW DOES IT FEEL HAVIN ONE... DO ALWAYS TAKE CARE.... GOD BLESS....

    ReplyDelete